Marahil sa mga araw na ito, napakiramdaman na ang Filipino. Marami ang magpapatotoo, silang dumaan na rito noon, na ibang-iba ito sa nararanasan ngayon sa kolehiyo. Kasama na ang mga kaklase na unti-unti pa lang nakikilala at ilang araw pa lamang ang nakalilipas ay ayaw nang makagrupo.
Maliban sa iilang nagkikita na talaga noon sa hayskul na nagkakamabutihan ngayon, maaaring paisa-isa kayo sa klase na nanggaling sa mga eskuwelahan hindi lamang Batanes hanggang Jolo kundi kahit maging Middle East, Europa, at Amerika.
Kahit nagkakaiba-iba, sa matagal-tagal nang pamamalagi sa pamantasan at sa pakikipag-usap sa mga guro na nakakapalitan ng mga ideya, nakakakita na ng mga pagkakatulad sa mga inaasahan ng estudyante sa kanilang Filipino. Kasama ka marahil sa marami pang iba na magdedeklara ng pagnanasang matuto ng Filipino habang ang konsern ng iba ay maging masaya ang klase nila.
Sa umpisa pa lamang mapapansin na marami ang magtataas ng kamay kapag tinanong kung sino ang hindi kukuha ng Filipino kung may pagpipilian sila. Karaniwang dahilan ay Ingles ang kanilang unang wika, kaya mahina sila sa “Tagalog.” May magsasabi rin na kahit nakapagsasalita, balu-baluktot ito kaya pagsubok kung magsusulat pa.
Hindi maaalis na ang ilang mag-aaral sa Filipion ay nangangamba na marahil ito ang magpapababa sa kanilang marka. Hindi biro magpaaral sa Ateneo. Mahal pang lalo kung aabot pa sa FILI 22 at 24.
Sa unang araw, kapag pinag-uusapan na ang silabus na may kaengga-engganyong disenyo, nag-uumpisa nang masira ang mga ilusyon sa mga inaasahang lalamanin nito. Mapapansin na hindi kaaway ang turing sa Ingles o sa iba pang wika dahil kinikilala na nararapat ang pag-uusap nila. Hindi kinakailangang pagdigmain ang mga wika, pero ibang usapan na siyempre kung hindi namamalayang sadya ang pagpatay nito.
Medyo mapapabuntong-hininga ka nang kaunti dahil kung nasanay sa Ingles baka maisip na may lugar ang plota at impakto sa Filipino. Gaya sa maling akala, mapanganib iyan. Para bang sinasabi na mahina ang wika dahil walang tiyak na katumbas ito sa Filipino. Kung ayaw magbuklat ng diksyunaryo, baka makatulong sa pakikipagkapwa-tao ang pagtatanong kung ano nga ba ang plot at impact sa Filipino. Kung hindi, matuto pang lalo sa pagkakamali sa oras na ibalik ito ng guro.
Huwag katakutan ang Filipino na magpapabigat sa mga paa sa tuwing papasok na. Sa klasrum, magtatanghal ka na tila nauunawaan ang guro, tatango-tango kapag sinabing nauunawaan ba o iiling-iling kapag sinabing may tanong ba. O kaya naman ay mananahimik, na laging ikinatatakot ng guro kaya minsan ay ginugusto ang makukulit na klase. Madaling manaway ng maingay na klase, pero mapanganib ang katahimikan dahil iniisip kung ano nga bang iniisip ng mga estudyante.
May pakiramdam kasi minsan na parang wala kang itinuturo dahil sa trabaho na isinusumite sa klase. Hindi naman kasalanan at krimen ang magtanong, at kung minsan, ang tanong ng marami ay ang tanong din ng sarili. Dahil nag-aaral at gustong matuto, may pupuntahan ang kahinaan sa Filipino. Hindi nga ba’t gaya ng ibang kurso sa kolehiyo, marami sa mga itinuturo ang hindi pa talaga natin alam.
Puwedeng maisip kung bakit may Filipino pa sa kolehiyo pero mapagmunihan sana kung bakit pinagdadaanan ito sa mabubuting pamantasan. Hindi lamang kung bakit ito bahagi ng kurikulum kundi kung bakit ito patuloy na ipinaglalaban. Dahil nanimbang sa unibersidad na papasukan, maaaring tingnan ang kilos ng institusyon. Bagaman hindi sinasabing tama ito lagi, hindi naging mabilisan ang desisyon, kundi madugong pinagdiskusyunan ang pagtatakda ng sari-saring kurso na magiging bahagi ng kurikulum—hindi lamang bilang mag-aaral kundi bilang mamamayan.
Maaaring isipin na hindi ito nararapat problemahin ng may kakayahan sa Filipino pero nangangahulugan na maaari pa sanang paunlarin ang nalalaman kung nariyan lamang din ang suporta mula sa mga sangay ng institusyon para mabisang mapamahalaan ang mas mataas na antas ng Filipino na maaari niyang makuha.
Kung tutuusin, hindi patas na isisi sa estudyante na nakikipagsapalaran sa Filipino. Kung puwede lang sabihin, walang karapatan ang magulang na pagalitan ang anak dahil sa mababa niyang marka sa Filipino kung inihele siya sa Ingles sa simula pa lang. Kailangan silang pagdudahan sa pagsasabing ginagawa nila ito para sa ikaaangat ng buhay.
Kung magreklamo ang magulang, maghanda kang magdrama, dahan-dahang maglakad nang paurong: “Kasalanan ninyo ito! Anong wika ang gamit mo sa akin! Anong wika ang binibili mong libro sa akin! Anong wika ang ipinapanood mo sa akin!”
Damay na natin diyan ang matataas na paaralan na nagpaskil ng tarpaulin sa pagpasok mo sa Ateneo, tanda ng kahusayan nila. Ipinamamalitang produkto ka nila sa kabila na nangangatog ka ngayon dahil maselang bagay pala ang Filipino sa kolehiyo. Nakapasa ka nga sa mahusay na pamantasan pero paano naaatim tanggapin na may ikinukubli ang kagalingan.
Bagaman hindi sinasabing sagot, hindi sana malayong pangarap kung magkaroon ng mga tanong sa Filipino sa mga entrance exam. Kahit paano, nagagawa na ito sa ibang pamantasan pero bakit tila hindi ito matunog sa atin. Panahon na rin sanang pag-isipan ng institusyon ang lugar ng Filipino dito—hindi lamang bilang wika na maririnig lang gamitin sa pamagat ng mahahalagang kaganapan, kundi bilang paksa, paraan, at pananaw mismo sa pag-aaral.
Samantala, kung seryoso ang pagnanasang matuto, tanggapin na hindi ito mabilisang mangyayari sa klase sa Filipino kaya huwag ding ipukol ang sisi sa guro. Walang kalaban-laban ang isang oras at dalawampung minuto na pinipilit ito sa iyo, isama pa ang isa hanggang limang oras na paghahanda na iniuukol mo rito, kung sa ibang oras na pinagkakaabalahan sa araw araw ay hindi Filipino ang gamit. Kung isasama sa iskedyul ng isang araw ang wikang kinakasangkapan, nasaan ang Filipino?
Baka mabuting sanayin ang sarili na gamitin ito kahit sana sa panaginip, kung nakokontrol ito, na asahang magiging bihira din sapagkat kakainin ng labis-labis na pag-aaral ang pagpapahinga. Sa labas ng klasrum, maaaring abutan ka ng hiya kapag ginagamit mo ang Filipino pero maaari din pagmulan ito ng saya sa hindi namamalayang pagkatuto nito.
Sa ganitong kalagayan, posibleng hindi na lamang din nakukulong ang Filipino ng mabubuting pamantasan sa makatutuntong lamang dito at maaaring nakukuha mo rin sa iba ang kanilang Filipino.
Si Aristotle J. Atienza ay guro ng Kagarawan ng Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila, mag-aaral ng Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, at kasapi ng Film Desk ng Young Critics Circle.