Blue Jeans

Puwang sa sariling bayan

By
Published August 20, 2026 at 6:00 pm

SA KABILA ng pagiging kanlungan ng pagkakakilanlan ng bayan, paulit-ulit pa ring kailangang igiit ng wikang Filipino ang puwang nito sa ating buhay at mundo.

Matagal nang isyu ang espasyo ng Filipino sa edukasyon at pamumuhay, at patuloy pa rin ang mga hamon katulad sa bagong kurikulum ng senior high school (SHS). Binawasan ang core subjects, isang Filipino subject na lang mula sa dating tatlo, habang mayroon ding mga elektib na limitado sa mga nasa Arts, Social Sciences, at Humanities.

Daan umano ito sa mas praktikal na paghahanda para sa kakayahang magtrabaho ng kabataan. Sapat na raw ang mga ibinawas na asignatura sa mas mabababang baitang—parehong katwiran nang gawing opsiyonal ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo noon. 

Filipino ang aking unang wika at naabutan ko ang lumang kurikulum ng SHS. Kaya sa pagtungtong ko sa kolehiyo, gaya ng sabi nila, akala ko sapat na ang mga ito. Lingid sa aking kaalaman, mas makikilala ko pa pala ang wikang Filipino sa Ateneo. Buti na lang, hindi natapos sa antas sekondarya ang edukasyon ko at ng bawat Atenista rito—sana ng bawat Pilipino rin.  

Sa kabila ng aking pinagmulang konteksto, lubos pa rin akong nahamon sa FILI 11: Malayuning Komunikasyon at FILI 12: Panitikan ng Pilipinas. Hindi dahil wala akong natutuhan noon, kundi dahil marami pa palang dapat matutuhan sa Filipino higit sa inihahain sa batayang edukasyon.  

Sa pagtingin sa galaw ng wika sa kultura sa FILI 11, mas nalinang ang aking kakayahan sa kritikal na pag-iisip, pagsusuri, at pagpapahayag sa mga isyu sa paligid. Sa patuloy na pagtimbang at pagsusuri ng impormasyon sa aktibong proseso ng komunikasyon, idiniin dito ang balanseng representasyon ng manunulat at mambabasa, banyaga at katutubo, at tradisyon at pagbabago.

Lampas sa karaniwang pagbubuod ng mga kabanata ng mga nobela ni Rizal at paghahanap ng aral sa akda, hinamon ako sa FILI 12 na aktibong makipagdiskurso sa teksto kaugnay ng mas malawak na mundo at Filipinong kamalayan at danas. 

Nariyan din ang mga klase sa Pilosopiya na sinasanay tayong mag-isip sa Filipino upang matiyak na nakasandig sa kontekstong Filipino ang ating pagmumuni tungkol sa buhay at mundo sa makabagong panahon. 

Ang pagpapahalaga sa Filipino ay hindi pagtanggi sa Ingles at sa kaakibat umano nitong oportunidad; kundi paggiit na may mundo ring umuugat sa ating mga sarili na lampas sa Ingles, at kayang gumalaw kasabay ng nagbabagong mundo.

Mayroon pa palang mas malalim na balon ang karunungang Filipino na naghihintay sa atin. Sana mas maaga itong naipakilala sa akin, sana hindi maipagkait sa susunod na henerasyon.

Sa kabilang banda, kaakibat ng kakayahang lubos na madalumat at mapahalagahan ito, ang kaalaman sa wika. Alam kong malaking salik ang aking pinagmulang konsteksto sa pagkiling kong ito—hindi lahat ng Atenista ay nagmumula sa perspektibang mayroon ako. Karaniwan na ang mga kuwento ng suliranin ng aking mga kamag-aral sa paggamit ng wikang Filipino bunsod ng iba’t ibang salik, na hindi lahat ay nasa kanilang kontrol. 

Hindi sapat ang mga bukás na klase para matugunan ang suliranin. Mahalaga rin ang personal na udyok at lalo na ang sistematiko at panlipunang aksiyon.

Hinaharaya kong sana mas maging bukas at matiyaga rin ang ibang mag-aaral sa paggalugad sa mga kaalaman, ideya, hamon, at tanong na inilalatag sa mga klase sa Filipino, dahil mahalaga ang mga ito sa pagtanaw at paggalaw natin sa lipunan. Subalit, maaari ring maging limitado at hindi patas ang pagtinging ito. 

Madaling sabihing kailangang magsimula ng mag-aaral sa kaniyang sarili para masanay sa Filipino, ngunit sa lalo pang pagsikip ng puwang ng Filipino sa ngalan ng pag-angkop sa hinihingi ng merkado, patuloy ang hamon sa tunay na pagtataguyod sa sariling atin.

Nakakabit sa wika ang kakayahang makipag-ugnayan sa ating kapuwa. Susi ito sa mga gawain, polisiya, at serbisyong nakasentro sa tao, pagkatao, at pagiging tao. Kaya sa pagpaplano para sa kabataan, mas maipagkaloob sana ang mga pagkakataong mahubog nang nakaugat sa kamalayan at karanasang Filipino. 

Hangga’t gumagalaw ang marami sa kontekstong hindi sapat ang pagpapahalaga at ibinibigay na pagkakataon para lubos pang makilala ng kabataan ang Filipino, mananatiling tila nakakalendaryo lamang ang pagkilala natin dito tuwing Agosto. 

Alexandrea Kate L. Noble is a fourth-year AB Psychology student with a minor in Panitikang Filipino. She has been the President of Baybayin Ateneo since 2025, where she dedicates her service to spaces that promote Filipino and develop cultural sensitivity and social consciousness among and beyond the Ateneo community.

Editor’s Note: The views and opinions expressed by the opinion writer do not necessarily state or reflect those of the publication.


How do you feel about the article?

Leave a comment below about the article. Your email address will not be published. Required fields are marked *.

From Other Staffs


Opinion

August 18, 2026

Asong Pinoy

Sports

August 17, 2026

Blue Eagles’ woes continue after defeat to Soaring Falcons

Sports

August 16, 2026

Blue Eagles start slow on day one of UAAP Season 88 Valorant Tournament

Tell us what you think!

Have any questions, clarifications, or comments? Send us a message through the form below.