Martial Law Archives

200 Estudyante, Manggagawa Nagmartsa, nagrally sa Loyola

By
Published September 18, 2024 at 3:12 pm
Photo by Danica T. Bibera

Isang protest march and idinaos sa Ateneo kampus noong Biyernes, Enero 15. Ang martsa ay [si]nalihan ng mga 200 katao na kina-[bi]bilangan ng mga kasapi ng Projects 2, 3, 4, Drivers’ Association, Federation of Free Workers (FFW-Ateneo), Loyola Tricycle Drivers’ Association (Loytria), Makabayang Katipunan ng Ateneo (MKA), mga seminarista at ilang mga sympathizers. Ayon sa mga nagsalita sa rally, ang martsa ay ginanap dahil sa mga sumusunod:

“ 1) bilang pagprotesta sa kahalayang ginawa ng mga kagawad ng MPD, Metrocom at Army sa mga demonstrador na sumama sa rally sa Plaza Miranda noong Enero 13 laban sa mga oligopolyong kumpanya ng langis at gasolina,

2) bilang pagtuligsa sa walang pakundangang paninikil ng mga imperyalistang Amerikano (isinasagisag ng mga oligopolyong kumpanya ng langis at gasolina) na nakikipagsabwatan sa naghaharing uri dito sa Pilipinas sa masang Pilipino,

3) bilang paglalarawan ng pagkakaisa ng mga tao laban sa nabubulok na pasistang administrasyon ng Pangulong Marcos at ng kasama niyang si Gat-papet Villegas,

4) bilang pagpapakita ng tunay na kulay ng kleriko-pasismo at ang kaugnayan nito sa higit na malawak na pasismo ng Estado.”

Ateneo Niligid

Nag-ipun-ipon ang mga nagmartsa sa harap ng Loyola Center sa ganap na 3:30 ng hapon. Sa ganap na ikaapat ng hapon, inumpisahan na ang martsa. Unang pinuntahan ang San Jose Seminary, pagkatapos ay ang Loyola House of Studies. Tumuloy sila sa Eliazo at Cervini Halls, sa Faculty, sa gusali ng administrasyon, palabas sa gate 3. Pagkatapos sila ay kumaliwa sa Katipunan at huminto sa may concrete island sa harap ng Loyola Center.

Bandila, Kabaong

Pinangunahan ang martsa ng dalawang taong may hawak na bandilang Pilipino. Nakataas ang bahaging pula ng bandila. Sumunod dito ang mga banners ng FFW, MKA at ng mga lokal na asosasyong drayber. Mayroon namang may dalang kabaong na kinasusulatan ng mga pangalan ng mga namatay sa mga nakaraang rallies. Tatlong epihiya, kay Uncle Sam, kay Pangulong Marcos at sa isang Kagawad ng Metrocom ang isinama sa martsa at pagkatapos ay sinunog.

Imperyalismo Binatikos

Pagdating sa harap ng San Jose Seminary, nagsalita si Alexander Aquino, junior AB, isang seminarista at tagapagsalita ng MKA. Sinabi niyang “lumabas na ang tunay na anyo ng pamahalaan na walang pag-aalinlangang gumamit ng dahas upang itaguyod lamang ang mga naisin ng ilang bahagi na populasyong nakikipagsabwatan sa mga imperyalistang Amerikano. Walang ginawa ang sabwatang ito,” ayon pa rin kay Aquino, “kung hindi huthutin ang mga pinagpawisan ng higit na nakakaraming Pilipino.”

Seminarista Pilipino Rin

Sa bandang huli ng pananalita ni Aquino, sinabi niyang “ang seminaryo ay kabilang sa bayan. Ito’y bahagi lamang ng isang higit na malawak na lipunan, ang lipunang nasa krisis ngayon – ang Pilipinas. Nararapat lamang na ang mga tagarito’y makiisa sa mga pagnanasa ng bayang makaalpas sa mga pag-aalipustang nararamdaman nila at tinitiis. Sa halip na magkulong at mag-reflect na lamang, ang mga seminarista ay dapat lumabas at makisama sa pang-malawakang pakikibaka. Hindi nangangahulugan na sapagka’t ang mga taga rito’y napapaloob sa mga strict rules and regulations ng seminaryo ay hindi na sila mabibigyan ng magkakataong makisama.”

Boarders Kinantyawan

Habang nagmamartsa ay nanawagan ang mga kasapi rito sa mga guro at mag-aaral na sumama sa martsa. Sa harap ng Eliazo, ang air-conditioned residence hall sa kampus, kinanta nila ang ‘Tamad na Burgis’ bilang parinig sa mga nakatira sa nasabing dormitoryo. Sa harap naman ng Faculty House ay tinawag na “kleriko-pasista” ng mga nagmartsa ang ilang paring Hesuwitang nakita nila. Binansagan din nilang “repositoryo ng mala-kolonyal na aralin” ang Rizal Library nang dumaan sila sa harap nito papalabas sa gate 3. Pagdating sa harap ng Loyola Center, huminto na ang mga nagmartsa upang makinig sa mga tagapagsalita.

Madilim na nang matapos ang mga nagsalita. Ang epihiya nina Marcos, Uncle Sam, at ng isang Metrocom trooper ay kanilang itinapon sa bonfire kasabay ang palakpakan at sigawan ng mga nasa grupong nagmartsa.  


How do you feel about the article?

Leave a comment below about the article. Your email address will not be published. Required fields are marked *.

Related Articles


Martial Law Archives

September 19, 2024

Reflections on Nationalism, Filipinization, and Social Awareness

From Other Staffs


Sports

September 19, 2024

Season preview: Reloaded Blue Eagles ready for bigger challenges

Sports

September 19, 2024

Blue Eagles stunt Adamson in opening bout as Cariño captures brace

Beyond Loyola

September 18, 2024

The place for armed struggle

Tell us what you think!

Have any questions, clarifications, or comments? Send us a message through the form below.