Chalk Marks Opinion

Paano masusukat ang pagiging Atenista?

By
Published June 23, 2024 at 5:00 pm

The following is the full and unabridged valedictory address delivered by Karen Joy Perez (AB SOCIO ‘24), Summa Cum Laude and Valedictorian of the Ateneo de Manila University Class of 2024 during the Higher Education-wide Commencement Exercises.

Ang kanyang kabunyian, Luis Antonio G. Cardinal Tagle, panauhing pandangal ngayong araw; P. Xavier L. Olin ng Kapisanan ni Hesus, pinuno ng Kapisanan ni Hesus sa Pilipinas; Ms. Bernardine T. Siy, Tagapangulo ng Lupon ng mga Tagapangasiwa ng Pamantasang Ateneo de Manila; P. Roberto C. Yap ng Kapisanan ni Hesus, Pangulo ng ating Pamantasan; mga kasapi ng Lupon ng mga Tagapangasiwa ng Pamantasan, Dr. Maria Luz Vilches, Pangalawang Pangulo para sa Lalong Mataas na Edukasyon; mga tagapangulo ng mga kagawaran at programang akademiko, mga miyembro ng kaguruan, mga administrador at kawani na tumulong upang maisagawa ang programang ito, mga panauhin–magandang araw po sa inyong lahat. Higit sa lahat, magandang araw sa aking mga kapwa magsisipagtapos at sa lahat ng aming mga pamilya at kaibigan–kasama man namin ngayon o hindi–na walang sawang sumuporta sa amin mula noong pumapasok kaming walang ligo dahil online lang naman, hanggang sa araw na itong ayos na ayos tayong lahat.

Bilang mga tao, napakahilig nating magbilang. Sabi sa kantang Seasons of Love, 525,600 minutes ang lumilipas sa bawat taon. Pero nasasalamin ba ng bilang na ito ang mga karanasan at alaala natin sa paglipas ng bawat minuto? Sapat nga ba ang mga numero bilang panukat ng mga bagay?

Bilang isang sociology major na merong tatlong units lang ng math sa loob ng buong apat na taon ko sa kolehiyo, malinaw na “hindi” ang sagot ko rito. Dahil kung pati sa pagiging Atenista numero lang ang batayan, lugi na tayo agad diyan.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, baka hindi tayo pumasa. Ang isang karaniwang Atenista ay dapat na nakaranas ng apat na taon sa kolehiyo–humigit-kumulang 2,102,400 minutes. Magsisimula dapat ang iyong taon sa OrSem, pupunuin ang mga araw ng pagkukumahog na makalipat mula sa bawat klasrum at pagtambay sa kung saan mapiling palipasin ang oras, at magtatapos sa graduation. Ngunit, batid nating lahat na walang pangkaraniwan sa naging karanasan ng ating batch sa Ateneo dahil ginulat tayong lahat ng COVID-19 noong 2020. Bagaman nagsimula rin ang ating kolehiyo sa OrSem, pinagitnaan tayo ng ating mga laptop o cellphone kung saan ang lahat ay isang maliit na thumbnail lamang. Sa loob ng dalawang taon, ang mga araw natin ay napuno ng halos walang patid na pakikipagtitigan sa ating mga screen, kabisado na natin ang mga linyahang “can I be heard?” at “can you see my screen?” Sa halip na tumambay sa MVP o Gonzaga, naging takbuhan natin ang Discord, Telegram, at kung anu-ano pang mga online sites at applications para maramdamang hindi tayo mag-isa.

Kung susumahin, humigit-kumulang 1,051,200 minutes lang ang iginugol natin sa loob ng campus–kung ito lang ang bibilangin, magtatapos tayo ngayong puno ng panghihinayang, ng pakiramdam na may kulang. Pero hindi naman dinidiktahan ng bilis o tagal nang inilagi natin sa campus ang nibel ng ligayang naramdaman natin habang nasa kolehiyo tayo. Bago pa natin mapagtantong may mga paa pala ang mga dating nakikita lang natin sa screen, pinunan ng mga kamag-anak natin sa bahay ang espasyong inilalaan natin para sa ating mga kaklase. Sila ang nagsilbing kadaldalan kung inaantok na, kasabay kumain kahit madaling-araw na, at kalabasan ng sama ng loob kung bumibigat na ang ating mga dala-dala. Tiyak din akong tinagos ng ating mga nabuong pagkakaibigan ang mga screen na namagitan sa atin; nalagpasan ng dedikasyon ng ating mga professor ang paputol-putol na koneksyon ng wifi; at nanatiling maningning ang mga alaalang nagawa natin kahit pa ang ilan sa mga ito’y naranasan natin mula sa ating kani-kaniyang tahanan. Kahit halos dalawang taon lang tayong nakatungtong sa campus, naging siksik, liglig at umaapaw ang bawat araw ng mga karanasang bibitbitin natin sa ating paglisan. Ang pagiging Atenista ay hindi nasusukat sa bilis o tagal dahil ang kalidad ng karanasan ay hindi sa oras binibilang.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, malamang wala ako rito at ang iba pang mga iskolar na tulad ko. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang limang libo ang kailangang bayaran ng isang Atenista para sa bawat unit na kinukuha niya. Kung 21 ang average load bawat semestre, higit sa isang daang libong piso ang dapat gastusin para sa matrikula; wala pa rito ang iba pang miscellaneous fees, at allowance pang-kain at pamasahe araw-araw. Ngunit, dahil sa kabutihang loob ng mga benefactors at donors, natatamasa rin ng mga iskolar na tulad ko ang kalidad na edukasyon at paghubog na ibinibigay ng Ateneo kahit pa ang ilan sa amin kaunti na lang ang kailangang bayaran, ang iba nga’y wala na talaga.

Sa tuwing inilalarawan ang scholar community, madalas ding binabalikan ang aming bilang–humigit-kumulang anim na raan kaming iskolar sa Batch 2024–pero hindi lang din numero ang basehan ng identidad o pagkakakilanlan ng mga iskolar. Hindi lang kami karagdagang porsyento ng budget na dapat bawasan upang mabigyang-daan ang iba pang dapat pagkagastusan. Hindi lang kami estadistikang maaaring gamiting rason upang hindi mataasan ang sweldo ng mga empleyado o pruweba upang patunayang makatao at inklusibo ang Ateneo. Bawat isang Atenistang iskolar na bumubuo sa higit 20% ng ating komunidad ay may iba’t-ibang kwento, iba’t-ibang motibasyon, iba’t-ibang pinanggagalingan. Hindi rin naitatala ng simpleng tantos sa listahan o figure sa graph ang nibel ng naging pagpupursigi ng isang iskolar upang patunayan ang sarili, ang tapang na inipon niya upang harapin ang mga walang kasiguraduhan, at ang tibay ng loob na binuo niya upang bitbitin ang pangarap ng lahat ng mga taong naniniwala sa kanya. Ang pagiging Atenista ay hindi nasusukat ng halagang binayaran, dahil ang kakayahang ipaglaban ang pangarap ay hindi napepresyuhan.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, siguro nawalan na tayo ng malasakit sa isa’t isa. Noong nakaraang taon, naging maingay ang Ateneo Employees and Workers’ Union (AEWU) sa kanilang panawagang mabigyan ng karampatang sahod at mga benepisyo kapalit ng kanilang serbisyo. Sa kabila ng mababang sweldo, hindi tumigil ang ating mga non-teaching staff sa kanilang paglilingkod sa ating komunidad at pagsisigurong magiging maayos ang ating karanasan sa campus. Nitong nakalipas na mga buwan, naging isyu rin ang pagpapatuloy ng onsite classes sa kabila ng mataas na heat index na ating naranasan. Kasunod nito ang naging pagkilala sa Ateneo bilang Top 1 university in the Philippines ayon sa Times Higher Education Asia University Rankings, kung saan malaking basehan ang research at publications ng isang unibersidad. Sa kabila ng desisyon ng pamunuang ituloy ang onsite modality, minabuti na ng ilang mga professor na magdaos ng online classes para sa kalusugan ng mga estudyante dala ng matinding init. Dagdag pa rito, sa kabila ng pagiging abala sa kani-kanilang mga research at iba pang mga tungkulin, hindi nalilimutan ng mga professor na maglaan ng oras para gabayan, alalayan, at kumustahin ang kani-kanilang mga estudyante.

Kung aalisin natin ang ating malasakit para sa kapwa, baka naging robots for others tayo sa halip na persons for and with others. Mga robot na nakasunod lang sa utos ng iba, walang pakiramdam, pang-unawa, o paninindigan. Walang dudang mahalaga ang performance ratings, ang perfect attendance, at ang university rankings, ngunit sa huli, mas matimbang pa rin ang kapakanan ng mga tao–hindi po ba? Ang cura personalis ay pagkilala at pangangalaga sa pagkatao ng isang indibidwal, hindi lang dahil sa mga kaya niyang gawin, kundi dahil sa kanyang kabuuang dignidad. Ang magis ay hindi lang more, kundi much. Hindi ang dami, kundi ang lalim–ng pagmamalasakit, ng pag-aaruga, ng pagmamahal. Ang pagiging Atenista ay hindi nasusukat ng mga marka dahil ang kahalagahan ng mga taong bumubuo sa Ateneo ay hindi naman naisasalamin ng kahit anong ranggo.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang matagumpay na Atenista, marahil hindi ko pinili ang kursong sosyolohiya. Sa kabila nito, pinakita sa akin ng aming mga naging aktibidad na hindi matatawaran ang karanasang makakilala ng iba’t ibang mga tao, maunawaan ang mundo mula sa kanilang punto de bista, at makagawa ng paraan upang mapabuti ang kanilang kalagayan. Hindi naman masamang magkaroon ng mataas na sweldo. Sa totoo lang, money can buy happiness; pero ang hindi nabibili ng pera: ligaya. Sa DLQ o Discerning Life Questions–isang required core subject para sa mga seniors–inilalarawan ang happiness bilang panandalian at may partikular na dahilan. Sa kabilang banda, ang tunay na ligaya o joy ay mas malalim, naka-angkla sa kapayapaan ng kaloobang dala ng pagiging buo bilang tao. Kung happiness ang dulot ng pagkakaroon ng mataas na sweldo, makakamit ang joy sa paggamit ng halagang ito para sa higit na nakabubuti–hindi lang ng sarili, kundi ng pamilya, ng komunidad, ng mas nakararami.

Kung lahat ng ito ay pera-pera lang, baka taxation o management dapat ang core courses natin. Madalas pang ginagawang biro na pagkatapos ng kolehiyo, magiging mga alipin na tayo ng salapi. Ngunit, sana huwag nating ibenta ang mga paniniwalang hinubog ng ating mga naging karanasan sa nakalipas na apat na taon, lalo na sa “Golden Era” na dinaranas natin ngayon. Sana huwag nating kalimutan ang panawagan ng paglilingkod, hindi lang ng pagbaba sa bundok, kundi ng paninigurong darating ang panahong wala nang bundok na mamamagitan sa ating lipunan. Saan man tayo dalhin ng ating mga susunod na magiging pagpili, sana huwag nating hayaang matabunan ng kasakiman ang ating mga pinaglalaban. Ang pagiging matagumpay na Atenista ay hindi batay sa yaman dahil sa tunay na one big fight, prinsipyo ang kailangan.

Kung numero lang ang batayan ng pagiging isang Atenista, siguro matagal na ang limang minuto para sa talumpating ito. Sana binanggit ko na lang kung ilan ang magtatapos, ilan ang estudyante bawat program, ilan ang mga iskolar, ano ang average QPI ng lahat, sabay sabi ng “And I, thank you!” Pero kung paanong ang 525,600 minutes ng isang taon ay hindi lang binubuo ng walang kahulugang paglipas ng oras, ang bawat Atenistang narito ay may kwenta dahil sa kani-kanilang mga kwento. Kahit gaano katagal o kabilis ang naging paglagi mo sa campus na ito, kahit gaano kalawak o kalimitado ang naging kakayahan mong bayaran ang matrikula mo, kahit gaano kataas o kababa ang naging ranking ng Ateneo na inabutan mo, kahit gaano kalaki o kaliit ang sweldong inaasahan mo–Atenista ka. Atenista ka dahil nandito ka, at kahit ngayong aalis na tayo, ang Ateneo ay mananatili rito [sa puso]

Muli, maraming salamat po at malugod na pagbati sa lahat ng mga magsisipagtapos! Ad Majorem Dei Gloriam!


How do you feel about the article?

Leave a comment below about the article. Your email address will not be published. Required fields are marked *.

From Other Staffs


Sports

January 2, 2025

ICYMI: Ateneo Rifle Pistol Team tallies top placements at PNSA National Open 2024

Sports

December 21, 2024

ICYMI: Blue Eagles claim third place at Hong Kong International Baseball Open

Features

December 20, 2024

Home away from home: Christmas in temporary PLHIV shelters

Tell us what you think!

Have any questions, clarifications, or comments? Send us a message through the form below.