Ngayong araw ipinagdiriwang ng maraming Pilipino ang Muling Pagkabuhay ni Hesus—ang batayan at sandigan ng pananampalatayang Kristiyano. Mula sa tradisyunal na Salubong hanggang sa makabagong “Easter egg hunt,” pinatutunayan lamang ng ating mga selebrasyon ang ating pagpapahalaga sa mensahe ng buhay at pag-asa na dala ng araw na ito.
Bago pa man dumating ang mga Kastila, batid na ng ating mga ninuno ang kahalagahan ng isang ganap na buhay. Ayon sa “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ni Andres Bonifacio, itinuturing ng mga katutubong Pilipino ang buhay bilang “kasaganaan” at “kaginhawaan.”
Ayon naman kay Reynaldo Ileto sa “Rizal and the Underside of Philippine History,” ang kaginhawaang ito ang siyang inaasam ng mga Pilipino sa pagtatapos ng Pasyon ng Panginoong Hesus. Kaya naman tuwing Semana Santa, pinakahihintay ng sambayanan ang Pasko ng Pagkabuhay–ang pagtatapos ng pagdurusa at pagdiriwang ng ganap na pag-asa.
Ngunit ngayong taon, ginugunita ng ilan sa ating mga kababayan—lalo na sa maralitang sektor—ang araw na ito nang may takot at pagdurusa dahil sa madugong “War on Drugs” ng administrasyong Duterte at sa napipintong pagbabalik ng parusang kamatayan.
Sa botong 217-54-1, ipinasa ng Mababang Kapulungan noong ika-8 ng Marso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4727 na nagbabalik sa parusang kamatayan. Inaasahan na sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo, sisimulan na ng Senado ang deliberasyon sa panukalang ito.
Ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay tugon umano ng ating mga mambabatas sa giyera kontra droga. Ayon sa ating Konstitusyon, maaari lamang ibalik ang parusang kamatayan kung nakikita ng Kongreso ang pangangailangang tugunan ang paglaganap ng mga “buktot na krimen” o heinous crimes.
Ngunit, epektibo nga ba ang parusang kamatayan sa pagsupil ng krimen? Ilang pag-aaral na rin ang nagsasabi na hindi naman talaga napipigil ng parusang kamatayan ang paglaganap ng krimen. Bakit pa kailangang ibalik ang isang malupit na kaparusahan kung hindi naman epektibo?
Sa ngayon, mga sangkot sa hindi na legal na droga pa lamang ang nais patawan ng parusang kamatayan. Ngunit ayon na rin sa ilang mambabatas, susunod na ang ibang krimen. Malinaw na inuunti-unti na nila ang taumbayan upang mas maging katanggap-tanggap ang parusang kamatayan.
At kung titingnang mabuti, gaano ba katotoo ang malagim na pagsasalarawan ng Pangulong Duterte sa problema ng droga? Sa bilang pa lamang ng mga adik sa buong bansa, hindi na nagtutugma ang mga ahensya. Ayon mismo sa pangulo, 4 na milyon na umano ang mga adik sa buong bansa. Ngunit ayon naman sa Dangerous Drugs Board, 1.8 milyon lamang ang kasalukuyang gumagamit ng iligal na droga.
Hindi naman namin sinasabing walang problema sa droga. Ngunit, matutugunan lamang ito sa pamamagitan ng isang masusi at makatotohanang pagsisiyasat sa tunay na kalagayan ng problemang ito at sa mga epektibong solusyong kaakibat nito.
Sa huli, kahit ilan pa man ang bilang ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, hindi kailanman dapat silang ituring na mas mababa pa sa tao. Ito ang umuusbong na diskurso ng rehimen ngayon–na hindi bahagi ng sangkatauhan o “humanity” ang mga kriminal at durugista.
Nakababahala na mistulang nagiging katanggap-tanggap na ang pangangatuwirang ito. Mariin namin itong tinututulan. Tao pa rin sila. Naniniwala rin kami na walang sinuman—kriminal, pulis, o vigilante—ang maaaring kumitil sa buhay ng kanyang kapwa. Bawat tao ay may angking dignidad at halaga at walang sinuman ang maaaring lumabag at lumapastangan dito.
Naniniwala kami sa dignidad na ito at sa kaakibat na kakayanan ng taong magbago at mahanap ang mabuti. Ito mismo ang ipinakita sa atin ni Kristo sa kanyang pagtatagumpay laban sa kasalanan at kamatayan. Hindi mga “zombie” na walang utak ang mga adik at kriminal na dapat lipulin. Sa tulong ng lipunan at ng kanilang sarili, sila ay mga taong maaari pang mabuhay na mag-uli bilang mga mabuting mamamayan ng ating bansa.
Batid namin na bahagi ng pagnanais ng ilan na maibalik ang parusang kamatayan ay bunsod ng pagkadismaya sa mabagal na takbo at hindi patas na pagpataw ng hustisya. Hindi matutugunan ng parusang kamatayan ito.
Gaano nga ba tayo kasigurado na may sala nga ang lahat ng mapapatawan ng parusang bitay kung ngayon pa lamang, mali na ang pito sa 10 hatol na kamatayang ipinataw ng mga korte? Karamihan sa mga sangkot sa mga kasong ito ay mahihirap at walang laban sa sistemang lubos na pinapaboran ang mga mayayaman at nasa poder. Muli na naman ba silang ituturing na “collateral damage,” tulad ng mga inosenteng napatay sa giyera kontra droga?
Kaya naman, tinatawagan namin ang mga mambabatas na linisin ang kasalukuyang baluktot na sistema ng hustisya sa bansa. Mas mahirap ang gawaing ito kaysa simpleng pagbabalik ng parusang bitay, ngunit mas makasisigurado naman tayong patas at epektibo ang pagbibigay-katarungan.
Huwag sanang gayahin ng Senado ang nangyari sa Kamara kung saan hindi man lamang nagkaroon ng maayos na debate sa plenaryo. Sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Mayo, hinihiling namin ang isang bukas, masusi, at makatotohanang pagtalakay sa panukalang batas na ito.
Hinihikayat rin namin ang pamahalaan at pati na rin ang mga mamamayan na ibaling ang kanilang mga pagpupunyagi tungo sa pagbabago ng mga mapang-aping istruktura ng lipunan na siyang nagpapahirap at nagtutulak sa ilan sa ating mga kababayan na kumapit sa patalim ng droga at krimen.
At para naman sa mga kapwa kabataan at mamamayan sa loob at labas ng Ateneo, may panahon pa ngunit tumatakbo ang oras. Makisangkot. Panatilihin ang pagiging mulat sa isyung ito at sa mga kaakibat na usapin. Magprotesta, kalampagin ang mga senador at bantayan ang magiging debate sa Senado. Alamin kung anong nakataya. Huwag mapapagod na makipag-usap at maging bukas sa mga taong may ibang pananaw, lalo na sa labas ng social media.
Maging malikhain. Suriin ang mga kakayahan at mula rito, umisip ng mga paraan kung paano umaksyon. Makipag-usap sa mga kapamilya, kaibigan, at ka-org kung anong puwedeng gawin.
Higit sa lahat, sikaping bumabad at makipag-ugnayan sa mga sektor na apektado–mga bilanggo, nasasakdal, kriminal, mga apektado ng droga, at sa mga grupong nakikipaglaban sa kanilang mga karapatan.
Sikapin nawa ng ating lipunan ang pagbibigay ng hustisyang ganap at mapagpalaya at hindi ng paghihiganti.
Ang parusang kamatayan ay hindi sang-ayon sa ating mga pagpapahalaga bilang sambayanan. Hindi ganap sa ating pambansang kamalayan ang pagkakait ng pagkakataong muling makaranas ng kaginhawaan at kasaganaan, ng pag-asang muling mabuhay.
Sa pagbabalik ng parusang kamatayan, ipinagkakait natin sa kanila ang Muling Pagkabuhay na kanilang inaasam.