Matindi ang aming pagkadismaya sa naging hatol ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa paglibing kay Dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Ang paglibing ng diktador sa LNMB ay isang malinaw at malubhang simbulo ng kawalan ng katarungan para sa sambayanang Pilipino.
Naniniwala kami na sa ikauunlad ng bayan, kinakailangan ang pag-alala sa mga aral mula sa panahon ng Batas Militar. At hindi lamang ang simpleng pagbabalik-tanaw, kung hindi ang kritikal at masinsinang pagtalakay sa panahong ito. Kailangang palawigin at paunlarin ang edukasyon ukol sa isa sa mga pinakamadilim na panahon sa ating kasaysayan at sa mga naging aral mula nito. Kailangang hikayatin ang kritikal na pagbasa sa panahon ng Batas Militar at hindi pahintulutan ang pag-usbong ng mga baluktot na naratibo tungkol sa panahong iyon. Kailangang ipaliwanag kung bakit marami pa rin ang sumisigaw hanggang ngayon ng “never again to Martial Law!” at kung bakit ang arkitekto nito ay hindi kailanman maaaring hirangin bilang isang bayani.
Bahagi ng kritikal na pagtingin sa mga pangyayari ang pagtatanong kung bakit tayo humantong sa puntong ito. Hindi lamang ang pangulo, ang Korte Suprema, o ang mga Marcos ang dapat sisihin sa trahedyang ito. Tatlong dekada matapos ang EDSA, at ang umiiral ay isang mababaw na demokrasya na hindi tumutugon sa mga hinaing ng karamihan. Dahil dito, lumilitaw muli ang bulok na bangkay ng Bagong Lipunan na ngayo’y pinabanguhan at binigyan ng bagong bihis.
Ang pagpapabuti ng edukasyon tungkol sa Batas Militar ay hindi lamang para sa isang pamilya o iilang sektor ng lipunan. Higit pa ito sa usaping pulitikal o legal. Ang masinsinsang edukasyon sa Batas Militar ay mahalagang hakbang tungo sa katarungan at sa tunay na paghilom ng isang bayang sugatan.
Ito’y para sa mga nabuhay noong panahon ng Batas Militar, na hanggang ngayon ay bitbit pa rin ang mga masasakit na alaala ng mga karahasan ng panahong iyon—karahasang kumuha ng buhay, sumira ng mga pamilya, at lumabag sa ating mga karapatang pantao.
Ito’y para sa lahat ng mga biktima ng Batas Militar, na hindi mauwi sa pagkabigo ang kanilang marangal na ipinaglaban. Ito’y para sa lahat ng mga biktima ng mga pang-aabuso at karahasan ng Batas Militar, na hindi tuluyang mawala sa dilim ang kwento ng kanilang pagpupunyagi laban sa diktatura
Ito’y para sa mga kabataang hindi nabuhay noong Batas Militar, ngunit mga kabataang hinirang din ni Gat Jose Rizal bilang pag-asa ng bayan, na hindi tuluyang mawala sa kamalayan nila ang mga aral ng kasaysayan.
Ito’y para sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino, na maunawaan din nila ang mga karahasan at pang-aabusong ginawa sa ilalim ng Batas Militar.
Ito’y para sa ating mga demokratikong institusyon na ating ipinaglaban, nawa’y hindi na muli nito pahihintulutan ang isang rehimeng pinaghaharian ng mga makasarili at gahaman sa kapangyarihan.
Ito’y para sa ating pambansang kasaysayan, na maalagaan ito laban sa mga baluktot na naratibo at maipahiwatig ang totoong kasaysayan sa mga susunod pang henerasyon.
Ito’y para sa ating marangal na sambayanang Pilipino na binubuo ng mga bayani, na hindi mawala sa atin ang tunay na kabuluhan ng kabayanihan.
Ito’y para sa ating Inang Bayan, na ang kanyang mga sugat mula sa mga karahasan ng Batas Militar ay hindi tuluyang mabaon sa limot at mabigyan ng katarungan.
Mailibing man si Marcos sa LNMB, nawa’y hindi tuluyang masama sa hukay ang mga aral ng kasaysayan. At higit sa lahat, nawa’y hindi mailibing ang diwa ng pakikibaka at pag-asa.
Ngunit ililibing na si FM doon. Ang isa pang mahalagang tanong siguro, ano na ang ating gagawin matapos nito?