The following is the valedictory speech delivered by Daniel Joseph P. Benito (BSM AMF ‘16) magna cum laude and valedictorian of the Ateneo de Manila University Class of 2016, during the 2016 Loyola Schools (LS) Commencement Exercises. He delivered this speech on June 25 and 26, 2016.
P. Antonio F. Moreno, Pinuno ng Kapisanan ni Hesus sa Pilipinas, P. Jose Ramon T. Villarin, ng Kapisanan ni Hesus, pangulo ng Pamantasang Ateneo de Manila, G. Ernesto Tanmantiong, Tagapangulo ng Lupon ng mga Tagapangasiwa ng Pamantasan, Dr. John Paul C. Vergara, Pangalawang Pangulo ng mga Paaralang Loyola, mga iba pang Pangalawang Pangulo ng Pamantasan, mga Dekano ng mga Paaralang Loyola, mga administrador, guro, kawani, mga kapwa kong magtatapos, mga magulang, kamag-anak, at kaibigan, magandang hapon po.
Para sa natatangi at kauna-unahang batch na magtatapos sa buwan ng Hunyo at nakaranas ng calendar shift, mga minamahal kong kapwa magsisipagtapos, isang malugod na pagbati sa atin! Kamayan at batiin natin ang ating mga katabi sapagkat batid nating hindi naging biro ang pinagdaanan ng bawat isa.
Natatangi rin ang ating batch dahil nakaranas tayo ng dalawang pambansang eleksyon. Mas naging mulat at higit na nakilahok tayo sa huling makasaysayang eleksyon sa tulong na rin ng Ateneo Task Force sa pamumuno ni Marc Wendolf Duque. Natatangi rin ang ating batch dahil sa iiwan nating bagong Konstitusyon na naglalayon ng mas epektibong representasyon ng mga mag-aaral. Ito ay naging possible dahil sa Constitutional Convention na pinangunahan ni Shiprah Belonguel. Patuloy at mahaba pa ang listahan ng mga dahilan kung bakit natatangi ang ating batch.
Napakayaman at puno ng mga babauning pangyayari at aral ang nakalipas na apat o limang taon, kaya napakahirap hulihin sa iilang salita lamang ang naging kahulugan ng edukasyong natamo natin. Mahirap mag-isip ng mga sasabihin ko ngayong hapon. Matapos po ang ilang mga gabi ng pagmumuni, napagtanto ko na may isang aral akong laging binabaon. Isang aral na magiging paksa po ng pagbabahagi ko ngayon.
Maging bukas na mabagabag at masaktan, subalit sa huli’y piliin magmahal.
Maaring makita ang ating pagtatapos bilang isang pagdiriwang dahil napagtagumpayan natin ang lahat ng hirap. Kaya siguro marapat lang din na balikan natin ang mga paghihirap na ito, ang mga pagsubok sa likod ng ating tagumpay ngayong hapon.
Pahintulutan niyo po sana akong ibahagi ang tatlong bagay o mga karanasan na pinakabumagabag at nakasakit sa akin.
1. Nabagabag at nasaktan dahil kulang tayo.
Sino dito ang naglaan ng panahon para sa isang pagsusulit o papel pero sa huli hindi pa rin nakuha ang inasam na resulta? o hindi kaya kaunti na lang pasado na o DL na sana? Sino po ang binuhos ang lahat-lahat para sa proyekto niya sa org pero iilan lang ang pumunta o may detalye pa palang hindi naisip? Ilan lang ito sa mga pagkakataong naranasanan natin na kinulang tayo.
Sa unang Math exam ko pa lang, kinulang na agad ako dahil hindi ko ito natapos sagutan. Naka ilang D’s din ako at isang F sa Math Long Test ko. Marami rin akong pagkukulang sa pinakaunang proyekto ko sa Alay Ni Ignacio o ANI. Subalit, pagkatapos ng mga panahon iyong, doon ko rin naalala ang aking sarili na naging pinakamasipag at determinado.
Minsan, akala natin naibigay na ang lahat ng maaari nating maibigay, pero magugulat na lang tayo na may mas maibibigay pa pala tayo. Kung kaya sa isang banda, sadyang may kagandahan sa likod ng mga damdamin ng pagkukulang, sapagkat sumisinag mula rito ang posibilidad ng ating pagtubo. Sa pagiging mapagkumbaba na tanggapin ang pagkukulang, doon tayo nagiging malaya. Doon tayo bumubukas sa pagkakataon na mas linangin pa ang ating sarili.
Sumisinag din ang pagkakataon na hayaang magbahagi ang ating kapwa sa atin. Sa mga panahong hindi ko na alam ang gagawin ko, lumapit na ako sa mga kakurso o orgmates ko para humingi ng tulong. Kulang tayo kaya hindi natin kaya nang nag-iisa.
Subalit, pakatatandaan lang din natin na huwag sana tayong bulagin ng ating mga pagkukulang para sabihing sapat na.
Ang una kong area sa ACIL ay sa Dela Paz Elementary School. Ang pinakamalalang karanasan ko roon ay nang may biglang umiyak sa kanila. Umiyak siya dahil sinuntok siya ng kaklase niyang napikon. Ang mas nakalulungkot pa, hindi lang isang beses ito nangyari. Tungkol sa pagmamahal sa kapwa at mabubuting asal ang madalas na paksa namin, pero bakit ganoon ang nagyari? Bakit parang wala silang natutunan sa akin. Napaisip ako kung babalik pa ba ako. Baka kulang pa ako para maging tutor nila.
Sa mga puntong nasaktan at nabagabag tayo sa ating mga kakayahan, madalas natatakot tayong muling magbigay sapagkat pakiramdam natin kulang lang naman ang mabibigay natin. Bakit pa ako magbibigay?
May isa sa mga naging estudyante ko sa ACIL na hindi nakikinig sa akin nang nagsimula akong magturo. Pero isang araw nagulat na lang ako dahil biglang nakikinig na siyang mabuti at aktibong sumasagot sa mga tanong ko. Bago din ako umalis nang araw na iyon, bigla niya akong niyakap at sinabi, “Kuya, balik ka ha.”
Hindi ko alam kung anong nangyari. Alam kong marami pa akong dapat matutuhan sa pagtuturo ng mga bata pero sa yakap at sinabi ng estudyante ko na iyon, sa kanilang mga ngiti at pagkanta ng Kuya Jess, pinaramdam sa akin ng mga batang iyon na sapat na ako. Sapat na ako para bumalik linggu-lingo at gawin ang makakaya para turuan sila.
Ngayong hapon, marahil maganda ring sariwain ang mga sandaling nakaranas tayo ng ‘pagyakap,’ yakap na nakatulong sa ating magpatuloy at nag-imibita sa atin na muling bumalik.
Mga kaibigan, nagkukulang tayo sa maraming bagay pero para sa mga kapamilya, kaibigan, minsan kahit sa mga bagong kakilala at sa pinakamamahal nating Diyos, sapat na tayo. Sapat na tayo upang tanggapin ang pagmamahal na kaya nilang ipadama. Hayaang punuin tayo nito at tulungan tayong linangin pa ang mga nagkukulang na kakayahan. At basta’t handa tayong magbibigay nang taos-puso at sa abot ng ating pinakamakakaya, sapat na iyon para piliin nating magmahal.
Kulang pa subalit sapat na muna.
2. Nabagabag at nasaktan dahil sa piniling kurso, sa piniling daan.
“Masokista ba kayo?” Iyon ang natatawang tanong sa akin ng isang kaibigan nang malamang Math major ako. Opo, siguro, dahil masakit din talaga sa ulo ang Math. Subalit, naniniwala din ako na kahit anong kurso naman ay may kanya-kanyang hirap.
(SOM/SOH) Maghanda para sa marketing plan at defense, mangulit upang bilhin ang ginawang produkto, mag-isip ng solusyon para sa iba’t-ibang business case competitions, magbasa at magsulat ng mga kwento at sanaysay, maglunsad ng exhibit ng mga sariling disenyo, maghanda para sa oral exam, tapusin ang thesis, at iba pa.
(SOSE/SOSS) Maglaboratory work nang buong magdamag, hanapin ang bug sa code, pag-aralan ang mga teorya ng sikologo, mga teorya ng mga ekonomista at gamitin ito, aralin ang napakaraming bahagi ng buhay na organismo, magsulat ng samu’t-saring sanaysay o artikulo, maghanda para sa oral exam, tapusin ang thesis at iba pa.
Nasaktan tayo sa samu’t-saring pagsubok na hinarap, mga pagsubok na naghubog pa lalo sa atin. Subalit, gaya nang natunghayan ko sa ilan kong natatanging orgmates, hindi kailangang harapin ang mga hamon nang may mabigat na kalooban. Kaya nating tingnan ang ating tungkulin ng may kagalakan.
Dagdag pa rito, hindi lang pinagyaman ng mga taon ang ating talento, paulit-ulit din tayong binagabag ng Ateneo kung paano natin magagamit ang mga biyayang ito para sa ating kapwa.
Sa ikatlong taon ko, dumating sa punto na napatanong ako kung paano ako makapagbibigay gamit ang mga options, bonds, stocks at iba pang pinag-aralan namin. Salamat kay Ma’am De Lara Tupiro sa pagpapakilala sa amin ng Microfinance, sa OSCI at sa iba’t-ibang kagawaran at programa para sa mga discipline-based learning initiative, kay Ginoong Marc Pasco sa pagpapakilala sa amin kay Ricouer at sa bagong mukha ng kagandahang-loob, at sa iba pang guro natin na nagpalawak ng ating kamalayan at sa kanilang pamamaraan ay ipinakitang “walang partikular na sektor ang may monopolyo ng serbisyo,” ika nga ni Sir Ken Abantesa isa niyang talumpati.
Minulat tayo na sa gitna ng anumang kalagayan, kahit ito’y mapaniil at nakapanlulumo, laging may posibilidad na lumikha ng espasyo para sa pagbibigay. Laging may puwang para sa pagpapakatao.
Mga kapwa magtatapos, habang hinaharap natin ang isang sakit ngayon- ang pamamaalam sa napamahal na sa ating tahanan, muli na naman tayong magpapasya. Sa anumang daang pipiliin, hinanda tayo na maging matatag sa anumang sakit na kaakibat ng ating desisyon at kayaning harapin ito nang may ngiti. Mabagabag kung ito ba ay nagbibigay-buhay, hindi lang para sa sarili kung hindi maging para sa kapwa at sa ating bayan. Gaya ng binahagi ng ilan sa atin sa AEGIS FB page, nawa’y manatili sa atin ang paghahangad na gamitin ang mga natutunan para sa pagmamahal at ikabubuti ng bayan.
3. Nabagabag at naskatan dahil sa narining na “Ayaw ko po. Hindi ko kaya.”
Isa sa mga hindi ko malilimutang Sabado sa Ateneo EdGE ay nang pinasulat ko ng isang letra si Prince. Ayaw niya magsulat, kaya sabi ko, sige straight line na lang muna. Kahit straight line na lang, napalitan ang maaliwalas niyang mukha ng lungkot at takot. At sinabi niyang, “Ayaw ko po. Hindi ko kaya.” Para sa isang tutor, napakasakit marinig ang mga katagang iyon. Masakit marinig ang ganoong boses na natatakot at ramdam mo ang kawalan ng tiwala sa sarili. Kaya sa isang papel gumuhit ako ng mga dotted lines. Kinuha ko ang kamay niya at sabay namin itong ginuhitan. Paulit-ulit kaming gumuhit ng mga linya, hanggang dumating ang puntong, mag-isa na siyang gumuhit.
Matapos niyang makita ang naguhit niyang linya, hinding-hindi ko malilimutan ang galak na naramdaman ko mula kay Prince. Hindi-hindi ko malilimutan ang ngiti niyang walang kapantay, ang ngiti niya na parang nagsasabing, “Wow! Kaya ko pala.”
Ang mga ‘ngiting’ ito ang sinikap ko ring makita mula sa mga estudyante ko sa ANI. Ang isa sa kanila ay nagpadala ng mensahe sa akin sa facebook. “Kuya, kahit mahirap ang Math, gagaling din po ako.” Ang marinig ito sa isang estudyante na alam kong mahiyaan at hindi kumportable sa Math ay talagang nakapupuno ng puso. Kung ganito katamis ang ibubunga ng pagpili nating magmahal, bakit hindi tayo patuloy na magmamahal?
Mula sa mga karanasang ito, napagtanto ko na may mga pagkabagabag at sakit na sa halip na pahinain ang ating loob, ay binigyan tayo ng lakas at pagkakataon upang higit na magmahal.
Bawat isa sa atin ay may natatanging pinagdaanan. Iba-iba ang pinakanakaantig sa ating mga puso. Kaya ngayong hapon, maganda sigurong pagnilayan natin ito: Anong karanasan o realidad ang pinakanakasakit at bumagabag sa atin?
Nabagabag ba tayo sa pakikisalamuha sa mga batang ginugugol ang kanilang kamusmusan nang may malubhang sakit, o sa mga naghihirap nating kapatid na hindi sapat ang nakakain sa isang araw o hindi nakakamtan ang mga medikal na pangangailangan, nabagabag sa paglalakad ng mga kababayan magsasaka sa iba’t-ibang probinsya upang mabigyang pansin lang ang kanilang hinaing, nabagabag sa kalagayan ng mga pamilyang nagpatuloy sa atin sa immersion, nabagabag sa kalagayan ng ating kapaligiran kung saan tumitindi pa lalo ang init at bagyo, nasaktan sa pagkawala ng isang kaibigan gaya ni Amanda Hseih, nasaktan sa mga nasawing kapatid o sa mga nakaranas ng hirap dahil sa mga giyera at hindi pagkakaunawaan? Marami pang pagkabagabag at sakit ang ating mararanasan pagkatapos ng buhay sa pamantasan.
Gaya ng pinakababaunin ko mula sa mga naging klase natin sa Teolohiya, hindi ang mga paghihirap na ito ang may huling salita. Sa gitna ng mga karanasan ng pagkabigo at pagkabasag, maaari tayong maghilom, maaari tayong tumugon nang may pagmamahal.
Anong pagkabagabag at sakit ang tumatawag sa ating higit na magmahal?
Pagmamahal iyong pagugol ng oras para sa organisasyon natin, ang pagtatanghal upang magbigay kamalayan, ang paggamit ng mga numero upang makarating sa mga makatwirang solusyon, pagmamahal ang ipinakita ng ating mga atleta sa bawat UAAP game, pagmamahal iyong sama-sama tayong nagbabalot ng mga relief goods para sa mag nasalanta ng Yolanda, Habagat at iba pang malalakas na bagyo, pagmamahal ang pagbabahagi ng ating oras at talento upang makapaglingkod.
Paano tayo tutugon nang may pagmamahal? Madalas, hindi ito magiging madali. Hindi ito nangangahulugan ng kagyat na paghilom. Halimbawa sa kaso ni Prince, may ilang sumunod na Sabado na bumabalik ang kanyang alinlangan sa sarili. Pauulit-ulit tayong masasaktan, kaya kailangan ding paulit-ulit din tayong magmamahal.
Sa ating pananatili dito sa pamantasan, hindi lang naman tayo ang umibig. Ang hapong ito ay hapon din ng pasasalamat para sa mga nagmahal sa atin. Salamat sa mga Kuya at Ate na siniguradong malinis ang ating paligid, sa mga Ate na nagphotocopy ng mga mahahabang readings, sa mga Kuya guard na bumabati ng ‘Magandang umaga,’ sa mga Ate at Kuya mula sa Rizal Library na naging tahanan natin sa hell weeks o kapag gusto lang natin magpalamig, sa benefactors at sa Office and Admission and Aid na nangalaga sa aming mga scholars, at sa lahat pa ng mga opisina, patawad kung hindi ko man po mabanggit kayong lahat, pero taos-pusong pasasalamat mula sa Class of 2016, sa pagtupad sa inyong tungkulin upang maging makabuluhan ang aming pananatili sa Ateneo.
Hindi rin naging ganoon kapait ang mga masasaklap na karanasan dahil may mga kabahagi tayo sa lahat ng sakit at pagkabagabag. Hindi tayo naglakbay nang nag-iisa. Huwag sana tayong makalilimot sa mga nakasama natin- sa mga kaibigan at blockmates na karamay sa mga gabi ng paghahapit, mga orgmates na kaisa sa mga adbokasiyang pinaniniwalaan, mga guro na nagbahagi ng kanilang kaalaman, sa ating mga pamilyang walang sawang sumusuporta. Taos-pusong pasasalamat po.
Mga mahal na kapwa magtatapos, Ito na. Down the hill, we go. Sa ating pagsisimula ng bagong kabanata ng ating kwento, nawa’y patuloy tayong maging bukas na mabagabag at masaktan sa ating mga kakulangan. Subalit, sana masabi pa rin nating sapat na tayo. Sapat na para tumanggap ng pagmamahal at magmahal.
Maging bukas na mabagabag at masaktan sa mga pipiliing daan, sa mga adbokasiyang ipaglalaban, subalit laging tumugon nang may pagmamahal.
Maging bukas na mabagabag at masaktan, subalit sa huli’y piliin magmahal.
Mabuhay Class of 2016! Isang pagsaludo sa ating pagtatapos!
Ad Majorem Dei Gloriam