Inquiry

Ang wika ng katotohanan

By
Published December 19, 2013 at 9:57 pm

Ni Nadine Y. Ramos

Salin ni Kevin R. Catbagan

‘Di alintana ang unang kwarto sa Lucas Infirmary: isang kama, isang TV, at isang krus. Sa gitna nitong lahat ay may nakakubang anyo—anyo ng isang walang dudang bumago sa mukha ng pagtatalakay ng pilosopiya sa Ateneo.

Magmula nang bumalik siya sa Ateneo de Manila noong 1966 bilang tagapamuno ng Kagawaran ng Pilosopiya, nagsilbing isang alamat na si Padre Roque Ferriols, SJ sa hene-henerasyon ng mga Atenista.

Ngayon, sa infirmary na nananatili ang kare-retire lang na si Ferriols, kung saan lagi siyang dinadalaw nina Mark Calano at Earl Valdez ng Kagawaran ng Pilosopiya upang makipagkwentuhan tungkol sa kung anumang tumugma sa kanilang panlasa. Ngayong araw may dala silang chocolate ice cream—ang paborito niyang flavor—at dalawang bisita.

“Upo ka dito malapit kay Padre,” ang sabi sa akin ni Calano, at sa loob ng mga isang oras, may pagkakataon akong maging isa sa mga huling estudyante ni Ferriols

Mga simulain

Inumpisahan ko ang panayam sa pagtanong ng, “Bakit niyo po inumpisahang ituro ang pilosopiya sa Filipino?” Matalas ang sagot ni Ferriols: “Hindi iyan ang tamang tanong. Ang dapat, bakit ba may mga hindi gumamit ng Filipino sa kanilang pamimilosopo?”  Dagdag niya’y, “Bakit kaya napakaraming guro ang hindi nagturo sa Filipino?”

Nakatataba man ng puso na sabihing maluog na tinanggap sa Ateneo ang pagsasa-Filipino ng edukasyon, hindi sumasang-ayon si Roy Tolentino ng Kagawaran ng Pilosopiya. Sinasabi niyang, “tinitingala sa labas ngunit minamata sa loob” and pag-apruba sa experimental class ni Ferriols noong 1969.

Ayon kay Tolentino, binigyan ng pambihirang mga oras ang klase—umagang-umaga, tanghali at gabi. Subalit sabi ni Tolentino na nakahiligan ito ng mga unang estudyante ni Ferriols at hindi gaanong nahirapan. Hindi sa pagbabasa ng teksto sa Ingles at pagtalakay sa Filipino ang tunay na hirap ng klase; bagkus sa mismong pamimilosopo.

Nang tanungin ko si Ferriols bakit hindi nagturo sa Filipino ang mga guro ng Ateneo, ang sabi niya sa akin, “‘De, ako ang nagtatanong. Kaya ikaw ang dapat sumagot.”

Bagaman hindi ako naging bahagi ng mga klase ni Ferriols sa pilosopiya, naunawaan ko ang pahiwatig ni Tolentino. “Marahil ay sa Ingles ito nakasulat at itinuturo?”

“Malapit ka,” ang sagot niya matapos ang ilang sandali.

Mga tradisyon at adhikain

Ayon kay Eduardo Calasanz ng Kagawaran ng Pilosopiya, ang pinakadakilang iniambag ni Ferriols ay ang pagpasimuno ng pamimilosopo sa ating wika. Noong wala pa nung experimental class ni Ferriols, tinuturo ang pilosopiya sa tradisyong eskolastiko. Kumbaga, tinuturo ito sa Ingles o di kaya Latin, at umaayon sa estilo ng paghubog sa seminaryo.

Sabi ni Calano na “nagbaon ng kakaibang penomenolohiya ang mga iskolar na nagbalik mula Europa na nagdala sa talakayan ng pilosopiya sa katayuan nito ngayon.” Dagdag niya’y kaiba na sa isang sistemang Thomistic ang lapit na ginagamit ng Kagawaran ng Pilosopiya.

Ang sistemang Thomistic, sabi ni Calano, ay teistiko at sumesentro sa Diyos.  Sa Ateneo naman, mas penomenolohikal ang sistema, “Pamumuhay sa araw-araw ang pinapaksa ng pilosopiya [sa Ateneo],” ang paliwanag ni Calano, “Pinapaksa pa rin namin ang Diyos. Dinidiin pa rin ang karanasan ng Diyos.”

Sa curriculum ng Ateneo, kailangang kumuha ng bawat estudyante ng hindi bababa sa 12 yunit ng pilosopiya, na, ayon kay Calano, ay mahalaga sa paghubog ng isang Atenista. “Ang layunin ng pilosopiya ay ang paghubog ng tao. Hindi lang ito puro lohika at paghihimay; bagkus, ang pilosopiya ay pamumuhay rin nang mabuti.” Subalit ayon kay Calano, wala ni isang may hawak ng pamimilosopo. “May kani-kaniya kaming tradisyon.”

Sa pamumuno ni Ferriols, sinimulan ng Kagawaran ng Pilosopiya ang tradisyon nito ng penomenolohiya. Sa paglalarawan ni Calano, ito’y isang tradisyong “pangkaranasan, nanunumbalik sa kapayakan.” Walang engrandeng balak si Ferriols sa kaniyang ng pagturo ng pilosopiya sa Filipino. Wala raw siyang kinikinita; sinubukan niya lang gampanan ang hinihingi sa isang guro ng pilosopiya: ang magturo.

“Walang hinangad si Ferriols na natatanging pilosopiyang Filipino. Hindi niya naging layunin iyon kailanman. Para sa kaniya, magbuhat tayo mula sa kakayahan nating makapag-isip sa sarili nating wika,” sabi ni Calano.

Dagdag ni Tolentino, “Ang ginusto ni Ferriols ay ang abahin ang bantayog ng pilosopiya.” Ang pilosopiya para kay Ferriols ay para sa lahat.

Sabi ni Precious de Joya, isang dissertation advisee ni Ferriols at instructor ngayon sa kagawaran, “Natatandaan mo pa ba po ‘yung nag-usap tayo, nabanggit niyo na ang pinangarap po niyo sa katunayan ay isang pamantasang Filipino, gawing Filipino university ang Ateneo?”

“Hindi naman nangyari.” sabi ni Ferriols.

“Ang panawagan ng meron”

“Kung mag-aral ka sa Inglatera, Ingles ang dapat mong matutunan; sa Pransya, Pranses; sa Espanya, Espanyol. At kung mag-aral ka sa Pilipinas, Ingles ang dapat mong matutunan,” sabi ni Ferriols. Hindi na ito bago sa atin, ngunit tumitingkad ang katatawanang hindi nasa pambansang wika ang edukasyon sa Pilipinas.

Dagdag ni Ferriols, “Pwede kang tumalakay ng pilosopiya kahit saan, pero tingin ko dapat Filipino ang gamit kung saan Filipino ang wika. Kapag sumakay ka ng bus, nagfi-Filipino ang mga tao. Kapag buksan mo ang TV at gusto mong marinig ang nasa isip ng median Filipino, nagfi-Filipino pa rin sila.”

“Kapag nakapamimilosopo na ang mga Filipino sa wika nila, may kung anong di-maitatatwang Pinoy na Pinoy na sumasanib sa kanilang pamimilosopo at di kalauna’y hindi na sila makapagbibingi-bingihan sa panawagan ng meron,” sabi ni Calano.

Ang meron ang pinakapuso ng ambag ni Ferriols sa talakayan ng pilosopiya sa Pilipinas. Subalit, ayon kay Tolentino, napagkakamali  ito madalas at marami nang iskolar ang hindi sumang-ayon sa talakayan ni Ferriols ng meron. “Tingin ko di lang nila naiintindihan,” sabi niya. “Isa itong pilosopiyang nukal sa pang-araw-araw na karanasan ng mga Pilipino, at kaya nitong mangusap sa gayong karanasan.”

Paliwanag ni Ferriols, “’Yung sinasabi ko yung meron, hindi ko sinasabi na kailangan kong isalin ang isang pagtingin sa Filipino. Sinabi ko na mayroon akong naranasan. [Halimbawa], ang isang aso. Iniisip ko ang isang aso pero pagkatapos no’n may asong pumasok sa kuwarto. Anong kaibahan sa pag-iisip ko sa aso at sa aking pakikitagpo sa aso? Ano kaibahan sa dalawa? Iniisip ko ang isang aso at may aso akong natagpo. Anong kaibahan nilang dalawa? Tapos sabi ko, ‘meron’ yung isa.”

Nagsalaysay si Ferriols tungkol sa isang taga-seminaryong bumasa sa mga sulatin niya at gumawa ng tesis ukol dito. “Ang ‘meron’ ay hindi isang translation, ang meron ay isang pagbikas sa karanasan mo,” sabi ng taga-seminaryo kay Ferriols.

Sagot ni Ferriols, “Tama! Ikaw sa isa sa mga tao na nakaintindi sa sinulat ko. ‘Yung ibang mga tao iniisip nila na mayroon akong sinasalin, na inisalin ko ang ‘being’ sa ‘meron,’ pero ang ‘meron’ ay hindi pagsalin sa ‘being.’”

Pagpapatuloy ng edukasyon

Pangalawa niya na itong retirement—nag-retiro na si Ferriols noong nag-ika-60ng kaarawan siya, ngunit pinili niyang ituloy ang pagtuturo bilang part-time—pero ngayon, totoo na.

“Tingin ko uunahan na tayo ni Padre Ferriols na sabihing walang pinapahiwatig ang pag-retiro niya,” sabi ni Tolentino. “Sa palagay ko, kapag maayos na naisasagawa ng mga guro ng pilosopiya ang trabaho nila, may mga iba pang susunod sa kanilang yapak.” Nag-iiwan ng isang hamon ang pagretiro ni Ferriols sa Kagawaran ng Pilosopiya na ituloy ang pamimilosopo sa Filipino.

Ayon kay Calano, malaki ang papel ng Kagawaran ng Pilosopiya hindi lamang sa pagtatalakay ng pilosopiya sa Ateneo, kundi pati na rin sa buong Pilipinas.  “Mahina ang pilosopiya sa Pilipinas,” sabi niya. Ngunit dahil may mga miyembro ng faculty na naghahawak ng mahahalagang posisyon sa sari-saring samahan,  mabigat ang kanilang impluwensya sa maaaring patunguhan ng pilosopiya, subalit maaari ring hindi namin mailigtas ang pilosopiya, dagdag ni Calano.

Tumutukoy si Calano ng dalawang problemang nagmumulto sa pagtatalakay ng pilosopiya sa Pilipinas. Ang una’y nagmumula sa paglilinang sa pilosopiya sa mga seminariyo kung saan pinagbibigyan ang mga seminarista imbes na paghigpitan. Lumalala ang problema kapag may maling naituro sa seminarista, magiging guro siya at palalaguin ang kamalian.

Ang pangalawa nama’y “Madalas, preparatory courses lang sa abugasya o di kaya ibang mas mataas na disiplina ang pilosopiya sa Pilipinas. Bagaman kailangan ang masinsinang pagpapakadalubhasa, marami pa ring kailangang gawin.”

“Hindi ko na alam sino ang dapat iligtas e, pilosopiya ba o ang Pilipino,” ang nakatawang sabi ni Calasanz. Ayon sa kaniya, market-driven daw ang Pilipinas at, “Hindi gaanong bukas ang loob ng lipunang Pilipino sa pilosopiya o sa humanidades.”

May dalawang salik na nagdudulot nito. Una ay ang salik ng kalinangan. Sabi ni Calasanz na sa Pilipinas, mayroon tayong salitang “pilosopo”, na negatibo ang pahiwatig. halimbawa, “Sa kulturang popular, ang behaved na bata ay yung masunuring bata. Hindi nito hinihikayat ang mapanuring pag-iisip”

Pangalawa ay pang-ekonomiko. “Luho ang liberal studies, hindi siya gaanong nagdadala ng kita.” Subalit sabi ni Calasanz naman na mahalaga ang pilosopiya sapagkat “tumitindig ang isang malayang bayan sa mga anak nitong malayang nakapag-iisip.”

Para kay Tolentino, “Maging sa humanidades, para bang suwail na anak ang pilosopiya, dahil kakaiba ang mga pilosopo. ‘Yung mga pinag-uusapan namin, masyado  nang abstract na parang wala silang silbi sa buhay.” Ngunit ito mismong pag-unawa na kailangang makapag-isip ng tao nang matimtiman ang susi sa pagharap sa mga mga problema ngayon, sabi ni Tolentino.

Linggwistika

Tumayo si Calano upang ayusin ang jacket na nakabalabal kay Ferriols. Nag-i-Ilokano sila tungkol sa temperatura ng kwarto. Sa sumunod na talakayan tungkol sa semantics ng mga salitang Ilokano para sa “masama”, natuklasan ni Ferriols na nakakapag-Cebuano ako. Sabi ni Ferriols, nagturo raw siya ng pilosopiya sa Berchman’s college sa Cebu bago siya bumalik sa Ateneo.

“Ngayon, tatanungin kita,” sabi sa akin ni Ferriols matapos ang talakayan namin ukol sa wika at pagtuturo sa Filipino. “Bakit tayo nag-i-Ingles?” Tumawa ‘yung iba habang tumitiklop na ako sa hiya.

Matapos ang halos isang oras kasama si Ferriols, umakma akong lumabas ng kwarto. Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap siya sa akin. Sabi niya sa Binisayâ, “Ayaw ug kalimti ang imong pagsulti sa Cebuano. Ayaw ug kalimti ang imong kaugalingung sinultihan (Huwag mong lilimutin ang mag-Cebuano. Huwang mong lilimutin ang iyong wika).”

Lumipat siya sa Tagalog at nagwikang, “Kasi ang salita mo, ‘yun ang salita ng Diyos sa ‘yo. Pag kinakausap ka ng Diyos ginagamit niya ang sarili mong wika.”

Mahahanap ang artikulong ito sa orihinal na Ingles dito.

 


How do you feel about the article?

Leave a comment below about the article. Your email address will not be published. Required fields are marked *.

Related Articles


Inquiry

November 21, 2024

Evaluating the path forward: How PATHFit is shaping students and instructors

Inquiry

November 2, 2024

Counting the costs: Navigating an Atenean’s familial loss

Features

October 6, 2024

Cradling Classrooms: Examining policies for student-parents

From Other Staffs


Sports

November 22, 2024

Ateneo Table Tennis Teams nab three victories in successful fourth day

Sports

November 22, 2024

Blue Eagles garner mixed results against rivals in the sands

Sports

November 22, 2024

Blue Eagles falter against Tamaraws, absorb second loss of Season 87

Tell us what you think!

Have any questions, clarifications, or comments? Send us a message through the form below.