Editor’s note: In light of the retirement of Fr. Roque Ferriols, SJ, The GUIDON is republishing articles on the philosophy professor from previous issues.
The following article, Tanglaw ng Lahi, comes from Palatuntunan ng Pagtatapos, published on March 18, 1989. Research for this online special was done by Joline S. Acampado.
NOONG 1969-70, nagsimula si Padre Roque J. Ferriols, S.J. na magturo ng pilosopiya sa wikang Filipino. Nag-iisa siyang nangahas na tingnan ang tunay na umiiral at bigkasin ang kanyang nakita sa katutubong wika sa panahong Ingles lamang ang naghaharing wika sa mga pamantasan ng Pilipinas at inaakala pang tanging wika ng pag-iisip. Tahimik at mapagkumbabang simula iyon na naging binhi ng tunay na pagbabagong-loob (metonoia) hindi lamang sa loob ng Pamantasang Ateneo de Manila kundi sa buong bansa rin. Sa kasaysayan ng Kanluraning pilosopiya, kahawig ito ng pagsusult ni René Descartes ng kanyang Discours de la Méthode sa katutubong wikang pranses at ng pagsusulat ni Søren Kierkegaard ng Om Begrebet Ironi at Enten/Eller sa wikang Danes at hindi na sa Latin.
Ano ang naging bunga ng binhing ito na itinanim sa simula?
Ginising ni Padre Ferriols ang wikang Filipino sa kanyang sariling kakayahan na bigkasin ang tunay na umiiral. Nasa pagsasakatuparan ng kakayahang ito ang sigla at buhay ng anumang wika. Sa pamamagitan ng tahasang paglalarawan at pagpapaliwanag ng karanasan sa wikang Filipino, naipakita ni Padre Ferriols kung paano kumakagat o nag-uugat ito sa tunay na umiiral sa bukod-tanging paraan. Sa kanyang pagmumuni-muni tungkol sa mga salita (mga salita, hindi lamang mga kataga) tulad ng loob, diwa, meron at iba pa, higit na naging matingkad at buhay ang dati nang umiiral sa pag-unawang Filipino.
Pinayaman din ni Padre Ferriols ang katutubong kalinangan nang sikapin niyang magsalita sa Filipino ang mga dakilang pilosopo tulad nina Marcel, Heidegger, Buber, Teilhard de Chardin, San Agustin, Sto. Tomas, Platon, de Finance at Rahner, Kierkegaard, Chung-Tzu at mga sinaunang Griyego. Sapagkat nagsalita na sila sa Filipino, sapagkat naisalin ang kanilang diwa—sa atin na rin sila. Sa hiwaga ng pagsasalin, hindi lamang tayo nakagagalaw sa kanilang pag-unawa; nakagagalaw din sila sa ating pag-unawa—at itong pagtatalaban at pakikibahagi ay nagpapayaman at nagpapalalim sa isa’t isa.
Napipitas ang mga bungang ito unang-una, sa mga isip at kalooban ng mga mag-aaral ni Padre Ferriols. Ang pagtuturo ni Padre Ferriols ay buhay na pagtuturo; wala siyang sinasabi kundi: “Tumingin ka rito, tumingin ka riyan. Ano ang nakikita mo?” Sa tunay at buhay na pag-uusap (na nagkakaugat sa, at namumunga ng, katahimikan) kumakagat ang diwa sa umiiral. Naisulat na ni Padre Ferriols ang ilang aklat na wari’y “malinaw na bakas—ngunit bakas pa rin” ng kanyang malikhaing pananalita. Patnugot siya ng Magpakatao: Ilang Babasahing Pilosopiko (1970). Sumulat siya ng Pambungad sa Pilosopiya ng mga Sinaunang Griyego (1984) kung saan isinalin din niya sina Herakleitos, Parmenides at ang Apologia ni Sokrates ni Platon. Isinalin niya ang mahalagang sanaysay ni Gabriel Marcel, “Esquisse d’une phénoménologie et d’une métaphysique de l’espérance” (1985). May mga salin at halaw din siya mula kina San Agustin at Joseph de Finance, at ilang sariling pagmumuni-muni hinggil sa Etika at Pilosopiya ng Relihiyon. Ngunit nangingibabaw sa lahat ang kanyang Pambungad sa Metapisika (1984-88), tanda ng malalim, malawak at payak na pag-unawa sa malalim, malawak at payak na katalagahan.
Hindi nagsusumikap si Padre Ferriols na gumawa ng isang pilosopiyang Pilipino. Sinisikap lamang niyang tumingin att makinig sa talaga at bigkasin ito nang buong katapatan. Sa ganitong paraan, tunay siyang pilosopo—at pilosopong Pilipino.
Nagsisimula ang Pambungad sa Metapisika nang ganito: “Mayroon tayong mga isip na may nilalaman at may mga hangganan.” Sa pagtuturo niya ng Pilosopiya sa wikang Filipino, pinayayaman ni Padre Ferriols ang laman ng kaisipang Pilipino sa ibayo ng mga hangganan nito.
Kaya naman karapat-dapat na igawad ng Pamantasang Ateneo de Manila kay Padre Roque J. Ferriols, S.J. ang Parangal Tanglaw ng Lahi.